VP Robredo: Gov’t move vs ABS-CBN is ‘harassment, abuse of power’

Dear KaPAB,

Sa panggigipit ni ni Duterte sa ABS-CBN, nagsalita na si VP Leni Robredo.

Pahayag ni Vice President Leni Robredo tungkol sa Petisyong Quo Warranto Laban sa ABS-CBN

Ang kalayaan ng pamamahayag ay hindi lamang tungkol sa kalayaang magsalita. Tungkol din ito sa karapatan ng sambayanang marinig ang katotohanan sa buong lawak nito, at matukoy ang kolektibo nating pinahahalagahan bilang bansa.

Kaya mahalagang bantayan ang kasalukuyang panggigipit sa prangkisa ng ABS-CBN dahil higit sa lahat tungkol ito sa kapangyarihan: Sino ang magtatakda ng totoo at ng mahalaga? Kapag sinamsam ng gobyerno ang kapangyarihang ito, sinasamsam din nila ang kolektibong tungkulin nating kilatisin ang katotohanan. Linawin natin: Taliwas sa karaniwang proseso ng pag-renew ng prangkisa ang nangyayari. Panggigipit ito, ayon sa pansariling agenda ng iilang nasa poder. Samakatuwid: Pang-aabuso ito ng kapangyarihan.

Ang itanong nga po natin: Kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas maliliit na network, sa mga pahayagan at istasyon ng radyo, at pati na sa sari-sarili nating mga social media feed, upang madiktahan tayo ng kung ano ang totoo at mahalaga?

Malinaw po ang tawag sa atin ng prinsipyo: Itaguyod ang kalayaan, isulong ang karapatan, at bantayan ang katotohanan. Masinsin po nating sinusubaybayan ang isyu ng pag-renew ng prangkisa sa ABS-CBN. Hinihimok natin ang lahat— pangunahin na ang mga Kinatawan sa Kongreso, kung saan nakatalaga ang kapangyarihang mag-renew ng prangkisa— na makiisa sa pangangalaga ng kalayaan ng pamamahayag.

Sa gitna ng kadiliman ng pamamahala ni Duterte, may isang Bise Presidente na nagbibigay ng tanglaw.

 

I Stand With ABS-CBN,

PAB

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.