Hinaing ng isang ANGHEL

Pinanganak ako sa payak na tahanan.
Barong2x man ang aming tirahan, masaya naman.
Sabi ni Inay, ako daw ang inspirasyon ni Itay. 
Mula daw ng lumabas ako, wala nang bisyo si Itay.
Tinalikuran ni Itay, ang droga para sa kinabukasan ko.

Pedicab driver si Itay, habang si Nanay naglalabada.
Kahit ang kita 100 sa isang araw, ok lang daw sabi ni Inay
Basta marangal ang paghahanapbuhay
Masaya na naming pinagsasaluhan ang isang noodles para sa hapunan
Ang importante masaya at nagmamahalan

Isang gabi, habang kami natutulog ng mahimbing
Biglang may pumasok sa barong barong namin
Mga taong armado, mga pulis daw sila
At tinanong si Itay, “Ikaw ba si Ruben”
“Ako po” sabi ni Itay.
“Maawa po kayo, may pamilya po ako” umiiyak na nagmamakaawa si Itay

Umiiyak si Inay habang yakap yakap kami ng kapatid ko
“Maawa po kayo sa amin, wag niyo pong patayin ang asawa ko”
Parang walang narinig ang mga pulis, bigla nilang binaril si Itay
Bang! Bang! Bang! ang daming putok, kahit nakahandusay na binabaril pa din
“Tama na! Tama na! Umiiyak na sigaw ni Inay

Wala ng buhay si Itay. Gusto kong lumapit, pero hindi ako makagalaw
Basa ang damit ko nang kulay pula, naramdaman ko ang sakit
Nilingon ako ni Inay, umiyak siyang sumigaw,”Anak, may sugat ka”
Hindi na ako makapagsalita, ang naririnig ko lang si Inay.
“mga kapitbahay, tulong!!! nabaril ang asawa at anak ko. Tulong”

Yakap yakap ako ni inay, habang pinipigilan niya ang dugo.
“Anak lumaban ka! Anak kausapin mo si Inay! Anak! Tulungang nyo kami!”
Nararamdaman ko, unti unti na akong nanghihina.
Tumutulo ang luha ko habang nakatingin sa mukha ni Inay
Huling kataga lumabas sa bibig ko, “Nay, hindi ko na po kaya…”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *