Walang Resibo, Hugot Lang

Dear KaPAB,

Hayaan niyo muna akong mag vent out ha. Medyo napagod lang. Since 2016 ng magdecide akong maging si PAB, naover haul ang buhay ko. Ang daming nabago.

Tumigil ako sa pag-aaral, naghanap ng homebase na trabaho dahil sa mga banta sa buhay ko.

Pero bakit ako nagpapatuloy? Kasi araw-araw nakikita ko na dumadami na ang nagsasalita, isang simpleng tweet man yan ng pagtutol or isang post sa FB, nakakainspire na yun. Walang maliit o malaking role sa laban sa katiwalian at kasinungalingan. Lahat pantay-pantay.

Nang magdesisyon akong sumali sa mga rally at sumama sa Fact Check PH para maglibot at magconduct ng workshop on “how to fight fake news” ang dahilan noon kasi nainspire ako ng mga taong nakipaglaban noong panahon ng Martial Law. Kahit may edad na sila, hindi sila napapagod lumaban para sa kapakanan ng bayan. Naglalakad pa din sila sa kalsada para sa kinabukasan. So bakit ako mapapagod?

Ang gusto kasi ng gobyernong ito mapagod tayo sa dami ng isyu araw-araw. Lahat ng sides tinitira. Pataas na presyo ng bilihin, extrajudicial killing, corruption, pambabalahura sa iba’t-ibang institusyon, pagkakalat ng fake news at higit sa lahat ang pagsunog sa ating mabubuting values bilang Pilipino.

May mga araw, na nararamdaman ko din na tumigil na, kasi minsan nakakapagod din naman. Araw-araw na pambabalahura sa pagkatao ko ang ginagawa ng mga trolls nila. Mula sa hitsura ko hanggang sa pagkababae ko inaalipusta. Minsan naman  kasi nakakaramdam ka din ng kawalan ng suporta or minsan masasaktan ka sa mga sinasabi ng mga kakampi mo sa laban. Kaya lang iniisip ko, ang laban na to hindi tungkol sa kung ano ang nararamdaman natin. Ang laban na ito is beyond that. Kapakanan ng bayan ang pinag-uusapan natin dito, kinabukasan ng bawat Pilipino ang nakataya dito.

Bawat boses natin ay mahalaga. Pabulong man yan o pasigaw. May lider man o wala, kailangan magpatuloy tayo. Kasi kung ang totoo, tayong lahat ay lider, kasi iisang bansa lang meron tayo.

Kung bigyan tayo ng Panginoon nang maglilead sa atin mas mabuti pero habang wala pa, kailangan nating magsalita. Mahirap ka man o mayaman kailangan ipaglaban mo din ang bayan mo.

Pataas na bilihin, dumadanak ang dugo araw-araw, minumura na ang Panginoon, kaliwa’t kanan ang corruption, binabastos ang ating kababaihan, pinamimigay na ang ating teritoryo, kung hanggang ngayon tahimik ka pa rin, tanungin mo ang sarili mo kung Pilipino ka pa ba?

Let our voices be our inspiration to fight. Let our voices be our strength to continue the fight. Let our voices be the courage in times when we wanted to give up. Each voice matters. We are the leaders on this fight.

Patuloy Na Lalaban,

PAB

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *