VP Leni Robredo, Nakiusap Sa DSWD

Dear KaPAB,

Nakiusap si VP Leni Robredo sa DSWD dahil dito:

[A] Pahayag ng Pangalawang Pangulo ukol sa Pagsuspinde ng 4Ps at iba pang ayuda para sa mahihirap

Napag-alaman natin ang desisyon ng DSWD ngayong umaga na pansamantalang itigil ang pagbabahagi ng Social Pension for Indigent Senior Citizens, Unconditional Cash Transfer, at Conditional Cash Transfer sa ilalalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nananawagan kami na bawiin ang kanilang desisyon at ituloy ang mga nasabing programa. Kung wala nito, marami ang mapipilitan pang lumabas ng bahay para pumasok— dahil kapag hindi sila pumasok, hindi sila kakain.

Kailangang limitahan ang mga tao sa lansangan. Ito ang isa sa pinakamabisang paraan para maampat ang pagkalat ng COVID-19. Kung ititigil ng DSWD ang pamimigay ng ayuda, mapipilitan ang marami na lumabas para kumita ng pambili ng pagkain, gamot, at iba pa nilang pangangailangan. At hindi mapupunan ang kawalang ito ng ibang programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations na muli pang kailangan applyan.

Ang panawagan din namin: Sa halip na itigil ang tulong pinansiyal, dapat ding i-release ng DSWD ang buong halaga ng mga social safety nets na ito para sa mga buwan na sakop ng community quarantine upang masigurong walang magugutom. Kung mas maagang matatanggap ng ating mga kababayan ang tulong, mas mababawasan natin ang mga taong lumalabas at, sa ganitong paraan, mababawasan din natin ang paglaganap ng COVID-19.

Maliban sa mga ayudang ito, nanawagan din kami na dagdagan at i-release ang budget para sa mga programa, tulad ng TUPAD, para sa mga nangangailangan ng kita. Sa mga panahong ito kailangan natin mag isip ng mga agarang solusyon na matutugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan at kikitil sa pagkalat ng sakit.

Patuloy ang pananawagan natin sa ating mga kababayan: Huwag na po tayong umalis ng bahay. Mag-practice tayo ng social distancing. Sa kabila nito, naniniwala kami: Dapat ding bigyan ng sapat na ayuda, dahilan, at insentibo ang taumbayan, lalo na ang mga maralita at nasa laylayan, upang hindi na nila kailanganing bumiyahe pa sa lansangan.

Tama si VP Leni, mas kailangan ng mga tao ang 4Ps and other financial assistance sa panahong ito. Bakit ititigil?

Maawa naman Sana sila.

Nanlulumo,

PAB

Facebook Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *