Tinanggap Ni VP Leni Robredo Ang Hamon!

Dear President Duterte,

May mensahe po:

 

Pahayag ng Pangalawang Pangulo
Ukol sa Pagtalaga sa kanya bilang Chair ng ICAD

Kahapon, nakatanggap tayo ng liham mula sa Pangulo na nag-aatas sa atin na pangunahan ang kampanya laban sa iligal na droga sa nananatiling dalawang taon at kalahati ng kaniyang termino.

Maraming nagpahayag ng pangamba na hindi sinsero ang alok na ito, na ito ay isang trap na ang habol lang ay siraan at ipahiya ako. Maraming nagpayo na dapat kong tanggihan ang alok dahil pagpasa lang ito sa akin ng responsibilidad para sa mga kabiguan ng drug war. Maraming nagsasabi na naghahanap lang ng damay ang administrasyong ito.

Hindi ako nagpahayag ng aking mga puna sa drug war dahil naghahabol ako ng puwesto. Hindi ko hiniling ito. Sa Pangulo nanggaling ang ideyang ito.

Pero sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot, papasanin ko ito.

Kaya tinatanggap ko ang trabaho na binibigay sa akin ng Pangulo.

Mula simula, ang gusto ko ay ang maging maayos ang kampanya laban sa iligal na droga. Itigil ang pagpatay sa mga inosente. Panagutin ang mga abusadong opisyal tulad ng mga ninja cops at mga nagpalusot ng toneladang shabu. Bigyan ng hustisya at boses ang mga pamilya ng mga pinaslang na walang kasalanan. Habulin ang mga malalaking drug lord na talagang sumisira sa ating lipunan, hindi lang ang maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto.

At kahit sabihin na nating ang alok na ito ay pamumulitika lang, at hindi naman talaga ako susundin ng mga ahensya, at gagawin nila ang lahat para hindi ako magtagumpay, handa akong tiisin ang lahat ng ito. Dahil kung meron akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan kong subukan.

Alam ng Pangulo kung ano ang posisyon ko sa drug war: tutol ako sa pagpatay ng mga inosente, kontra ako sa pang-aabuso ng mga opisyal. Alam niya ang aking mga puna. Alam niya ang mga balak kong ayusin.
Kung iniisip niya na sa pagpayag na ito ay tatahimik ako, nagkakamali siya.

Simula palang, handa tayong tumulong sa ikabubuti ng bayan. Pero kailan man hindi natin isusuko ang ating mga paniniwala.

Hindi laro-laro ang usapang ito. Seryosong usapan pag buhay ang nakataya. Tinatanong nila kung handa ba ako para sa trabahong ito.

Ang tanong ko: handa na ba kayo para sa akin?

Mr. President, dalawa’t kalahating taon na lang ang naiiwan sa iyong administrasyon. Hindi pa huli ang lahat.

Puwede pa nating pagtulungan ito.

Walang bawian ha! Baka may magtext na naman na don’t attend the meeting.

Proud of my VP,

PAB

Facebook Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *