Nasa Panganib ang Hudikatura

Dear KaPAB,

Siguro ngayon nabalitaan niyo na gustong madaliin ng Supreme Court ang desisyon sa Quo Warranto laban kay CJ Sereno.  Kahit alam  nila na lahat ito sa Saligang Batas, wala silang pakialam, basta masunod lang ang kagustuhan ni Duterte. Kahit si former Associate Justice Vicente Mendoza na ang nagsabi sa video na ito ay hindi nararapat.

Mas nangunguna ang mga pansariling interest kaysa kapakanan ng bayan. Eto ba ang kapalit?

Akala ko dati, ampalaya effect lang, hindi pala. Ngayon ang puzzle ay unti unti nang nabubuo.

Dati May 17 sila magbababa ng decision, ngayon minadali ng May 11.  Hindi ba nila alam na any of them ay puwedeng sampahan ng quo warranto na kaso? Puwede itong gawin na panakot sa kahit na sinong impeachable officer.

Isipin na lang natin, kung kaya itong gawin sa isang Chief Justice, paano na lang ang mga ordinaryong mamamayan? Hawak na sa leeg ang Kongreso, pati ba naman hudikatura sasakupin? Paano magkakaroon ng katarungan kung ang hustisya ay ginapos na ng mga ganid sa kapangyarihan?

Hindi ito ang oras na kailangan manahimik. Hindi lang si CJ Sereno ang pinaglalaban natin dito, pinaglalaban natin ang ating Saligang Batas, ang pantay na hustisya, ang katotohanan, ang katarungan at ang ating kinabukasan.

Hindi natin kailangan ng lider, tayo ang magiging lider sa labang ito. Kinabukasan mo at bayan mo ang nakataya dito.

Kung hindi tayo papalag ngayon, gagawin ito uli sa iba. Oras na para maglakad sa kalsada, oras na para muling ipaglaban ang Inang Bayan.

Sa darating na May 11 sa ganap na alas-7 ng umaga, ipakita natin ang pagmamahal natin sa ating bayan. Ipakita natin sa ating mga anak at magiging anak na ipaglalaban natin ang kanilang kinabukasan.

Kasi ang bawat hakbang natin ay hakbang para sa bayan, bawat taas kamao natin ay taas kamao para sa katarungan at bawat sigaw natin ay sigaw para sa kinabukasan.

Makialam, makilahok at makisigaw. Laban ni CJ Sereno ay laban ng ng bawat Filipino.

Lalaban para sa Bayan,

PAB

Facebook Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *