A tribute from Senator Bam to Ninoy

Dear KaPAB,

Itong tulang ito ay mismo si Senator Bam ang sumulat.

𝐇𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐊𝐚 𝐍𝐚𝐠-𝐢𝐢𝐬𝐚

Kung mayroong hashtag nung 1980’s ukol sa pagpatay kay Ninoy Aquino, #HindiKaNagiisa na siguro iyon.

Ito ang naging tugon ng taumbayan sa sakripisyo ni Ninoy Aquino.

Hindi ka nag-iisa na nagmamahal sa bayan.

Hindi ka nag-iisa na handang lumaban para sa bayan.

Hindi ka nag-iisa dahil marami na ring pinatay, siniraan, at pinahirapan bago pa sa iyo.

‘Yung ‘Ninoy, Hindi Ka Nag-iisa’, naging sticker, naging pin, naging T-shirt. At ang pagsuot nito ay naging isa sa mga simbolo na hindi na tanggap ng taumbayan ang mga nangyayaring kasamaan at pangaalipusta sa bayan.

Napakaganda ng pagtugon at mensahe, bagkus nahuli ito. Sa mga araw bago umuwi si Ninoy, hindi niya alam kung ano ang magiging tugon ng taumbayan sa kanyang pagbabalik. Napakatagal na niyang wala sa pulitika.

Ngunit, umuwi pa rin sya.

Umuwi siya dahil gusto niyang makatulong at makiisa sa bayang naghihirap. Umuwi siya dahil sa paniniwala na mahalaga ang Pilipino, karapat-dapat na mahalin, ipaglaban at ikamatay kung kinakailangan.

Ika nga, ang totoong pagmamahal ay pagmamahal na walang kapalit o kasiguraduhan.

Tumugon ang bayan, ‘Ninoy, hindi ka nag-iisa’ at doon nagkaisa ang milyun-milyong Pilipino na sama-samang napagtagumpayan ang pagbabalik ng demokrasya sa ating bansa.

Ngayon tila ibanabalik ng kasaysayan ang mga panahong iyon – ang bayan, nagdurusa muli. At muli, tila imposibleng matalo ang mga nagpapahirap sa bayan.

Kaya sa araw na ito, sana magunita natin hindi lang ang pagkamatay ni Ninoy, kundi ang kanyang malalim na paniniwala sa kakayanan at halaga ng Pilipino.

At sa gayon, makita natin ang ating mga sarili sa kanyang mata, isang lahing handang magkaisa’t lumaban para sa ating kinabukasan at may kakayahang malampasan kahit ang mga pinakamahihirap na pagsubok na nakagisnan.

Bayan, mula noon hanggang ngayon, hindi ka nag-iisa.

Isang inspirasyon si Ninoy sa mata ni Senator Bam.

Muling dadamayan ang bayan,

PAB